Umaabot na sa P52.1 million ang relief assistance ang naipagkaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga naapektuhan ng bagyong Ulysses.
Sinabi ni DSWD Sec. Rolando Bautista, naipamahagi ang mga tulong partikular ang food at non-food items sa regions 1, 2, 3, CALABARZON, MIMAROPA, region 5, Cordillera Administrative Region (CAR) at National Capital Region (NCR).
Ayon kay Sec. Bautista, sa kanilang Region 2 Field Office ay nakapamahagi na ng P19 million na halaga ng ayuda habang sa Bicol region ay P17 million, sa CALABARZON Field Office ng DSWD ay P11.2 million at sa NCR Field Office ay P7 million.
Inihayag pa ni Sec. Bautista na ang mga ibinigay nilang food and non-food item ay bilang augmentation support sa mga local government units (LGUs) na lubos na naapektuhan ng kalamidad at ang mga ito naman umano ay idineploy at ipinamahagi sa mga apektadong residente sa pamamagitan ng land, air at sea assets ng pamahalaan.
Maliban sa pagkain, nagkakaloob din ang ahensya ng psychosocial support at stress debriefing sa mga naapektuhang mga residente.