Innilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang P550 million na pondo para sa expansion ng outpatient services ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI).
Ito ay kasunod ng pag-apruba ni Budget Sec. Amenah Pangandaman ang pag-isyu ng Special Allotment Release Orders (SARO) na nagkakahalaga ng P550 million para masaklaw ang mga pondong kailangan para sa pagpapalawig pa ng gusali ng outpatient department ng NKTI sa 8 palapag.
Idinisenyo ito bilang one-stop shop para sa social services ng naturang ospital kabilang ang diagnostic at surgical facilities.
Inihayag naman ng kalihim na ang paglalabas ng naturang pondo ay bahagi ng commitment ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ma-improve ang healthcare facilities sa bansa.
Ang naturang pagamutan na kilala noon sa tawag na National Kidney Foundation of the Philippines ay itinatag noong Enero 16, 1981 sa bisa ng Presidential Decree 1832 na nilagdaan ng ama ni PBBM na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Nagsisilbi ang naturang ospital bilang sentro ng kidney patients mula sa iba’t ibang regional hospital sa bansa at kinikilala bilang lead agency sa mga voluntary blood service.