CEBU CITY – Arestado sa isinagawang follow-up operation ng mga otoridad ang isang high-value individual (HVI) sa Sitio Sta. Lucia, Brgy. Poblacion, bayan ng Consolacion, Cebu.
Kinilala ang suspek na si Kirby Abanilla, 37, at residente ng Concepcion St., Barangay Suba, lungsod ng Cebu.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Cebu City Police Office Director, Col. Engelbert Soriano, sinabi nitong isinagawa nila ang operasyon kasama ang City Drug Enforcement Unit, City Intelligence Branch at Regional Intelligence Division, matapos isiwalat ng nauna nilang nadakip na isang regional level high value individual.
Nakuha sa posisyon ni Abanilla ang 5.5-kilos ng shabu na isinilid sa Chinese tea bag at nagkakahalaga ng mahigit P34-million.
Una rito, nakuha ng mga otoridad ang tatlong kilo na shabu galing sa isang regional HVI na si Elmer Gallarde Bas kung saan nagkakahalaga naman ito ng P20.4-million.
Sa kabuuan ay nakakuha ang mga otoridad sa dalawang anti-illegal drug operation ng walong kilong shabu na aabot sa mahigit P56-million.