Nasa P58 billion halaga ng hindi pa nababayarang land amortization fees at interests ng mga magsasaka ang ipapawalang bisa mula sa proposed condonation ayon kay Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III.
Sinabi ng Agrarian reform chief na hindi makakaapekto ang condonation program sa gross domestic product (GDP) ng bansa.
Malaking bagay din ito sa mga magsasaka dahil sa halip na babayaran nila ang kanilang lupa ay gagamitin na lamang nila bilang karagdagang puhunan upang mas mapabuti pa ang kanilang pagsasaka at mas marami ang kanilang aanihin at mas malaki ang kanilang kikitain.
Sinabi din ni Estrella na nasa 650,000 agrarian reform beneficiaries ang magbebenipisyo mula sa proposed condonation measure.
Una nang inatasan ng Pangulong Bongbong Marcos ang kongreso sa kaniyang unang SONA na magpasa ng isang batas na mag-aamyenda sa Section 26 ng Republic Act 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Law of 1998 para matubos ang mga magsasaka mula sa kanilang mga pagkakautang.
Kaugnay nito, naghain si Senator Imee Marcos ng Senate Bill Nos. 178 at 112 na naglalayong maisabatas ang pagsasawalang bisa sa lahat ng hindi nababayarang amortizations mula sa loans ng mga magsasaka sa ilalim ng lahat ng agrarian reform programs.
Nakatakda namang lagdaan ng pangulo kasabay ng pagdiriwang ng kaniyang ika-65 kaarawan sa Setyembre 13 ang executive order sa 1-year moratorium sa pagbabayad ng amortization at interest ng agrarian reform beneficiaries.