Nagbabala ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa publiko laban sa online scams na kumakalat ngayon na nagbibigay ng P5,000 na tulong pinansiyal para sa National ID holders.
Sa isang advisory, sinabi ng PSA na ang naturang mga post sa social media ay fake news at walang kaugnayan sa ahensiya.
Kayat hinihimok ng PSA ang publiko na maging maingat at iwasang mabiktima ng naturang mga scam.
Bagamat nagsisilbi aniyang patunay ng pagkakakilanlan ang National ID sa iba’t ibang mga transaksiyon, nilinaw ng PSA na ang anumang mga benepisyo mula sa pamahalaan ay ibinibigay base sa mga panuntunan at regulasyon ng mga ahensiya.
Hinihimok naman ang publiko na ireport ang anumang online scams kaugnay sa National ID cash assistance sa pinakamalapit na PSA office pra ito ay maaksiyunan.