-- Advertisements --

Nakatakdang isumite ng administrasyon ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., sa House of Representatives ang panukalang P6.352 trilyong budget para sa susunod na taon sa Lunes, Hulyo 29.

Ang 2025 National Expenditure Program ay pormal na isusumite ni Budget Secretary Amenah Pangandaman kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at iba pang opisyal ng Kamara de Representantes.

Ang simpleng turnover ceremony ay nakatakda ng alas-10 ng umaga sa Romualdez Hall ng Kamara sa Batasang Pambansa complex sa Quezon City.

Sa bisperas ng pagsusumite ng NEP, sinabi ni Speaker Romualdez na handa ang Kamara upang tanggapin ito at agad na sisimulan ang deliberasyon nito sa komite.

Sinabi ng lider ng Kamara na masusing pag-aaralan ang panukalang budget at gagamitin ang oversight function nito para masiguro na tama ang ginagawang paggastos dito ng mga ahensya ng gobyerno.

Ang bersyon na isusumite umano ng Kamara, ayon kay Romualdez ay nakalinya sa mga prayoridad at Agenda for Prosperity ni Pangulong Marcos.

Ayon kay Speaker Romualdez target ng Kamara na maaprubahan ang panukalang budget bago ang recess ng sesyon sa Oktobre.

Nitong nakaraang linggo, matapos inspeksyunin ang mga binahang lugar sa Metro Manila, iginiit ni Speaker Romualdez ang pangangailangan na repasuhin ang mga flood control project upang masiguro na angkop pa ang mga ito.

Isusumite ng Pangulo ang budget sa Kongreso eksakto isang linggo matapos ang pagbubukas ikatlong regular na sesyon ng 19th Congress, at mas maaga ng tatlong linggo sa deadline na itinakda ng Konstitusyon.

Ang panukalang budget na isinusumite ng Pangulo ay tinatawag na National Expenditure Program (NEP). Ito ang pagbabasehan ng Kongreso ng gagawin nitong General Appropriations Bill (GAB). Kapag nilagdaan ito ng Pangulo ito ay tatawagin ng General Appropriations Act (GAA).

Ang panukalang budget para sa susunod na taon ay mas malaki ng P585 bilyon kumpara sa P5.767 trilyong budget ngayong taon.