-- Advertisements --

Nasa P6.8 million halaga ng iligal na droga ang nasabat ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) sa isinagawang buy bust operation sa Lancaster Residence Subdivision, Barangay Alapan 2, Imus, Cavite, madaling araw kahapon.

Arestado sa nasabing operasyon ang tatlong drug personalities na nakuhanan ng isang kilo ng hinihinalaang shabu.

Kinilala ni PNP DEG director B/Gen. Ronald Lee ang mga inarestong suspeks na sina Aina Elias Maamor aka Uking, 20, isang vendor at residente ng Antipolo City; Sittie Ambuludto Pagayao, 30, at Michael Ordonez Romualdez a.k.a Bossing, 33, residente ng Lancaster.

Nakumpiska sa operasyon ang isang paper bag na may laman na isang kilo ng white crystalline powder na hinihinalaang shabu; isang motorsiklo, isang sasakyan, cellphone at P2,000 cash money.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP DEG sa Kampo Crame ang mga suspeks at sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002).

Pinuri naman ni Gen. Lee ang kaniyang team dahil sa kanilang dedikasyon umano sa trabaho para tuluyan ng masugpo ang iligal na droga sa bansa na patuloy na nagbibigay perwisyo.