Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang isang high value individual matapos ang ikinasang buybust operation kahapon,Mayo 12, sa Brgy. Poblacion lungsod ng Lapu-lapu kung saan nasabat ang bulto-bultong pakete ng hinihinalang shabu.
Nakilala ang naaresto na si Ryan Caralde Dagwayan, 41 anyos at residente ng Brgy San Roque nitong lungsod ng Cebu.
Nakumpiska mula sa posisyon ni Dagwayan ang 1,010 na gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P6.8 million pesos.
Inihayag ni Lapu-lapu City Police Office Director PCol Elmer Lim na bagong kinilalang drug personality ang suspek at nag-ooperate sa mga lungsod ng Cebu, Mandaue at Lapu-lapu.
Nagmula pa ang mga nakumpiskang droga sa isang kinilalang “boss kerker” na isa umanong detainee.
Dagdag pa ni Lim, isinailalim sa halos isang buwang surveillance ang suspek bago ikinasa ang operasyon.
Nahaharap ngayon ang naarestong suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.