LEGAZPI CITY – Patay ang isang drug personality sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Purok 5, Brgy. Quirangay, Camalig, Albay.
Kinilala ang nasawi na si Antonis Tupas, residente ng Cruzada sa lungsod ng Legazpi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCMS Marlyn Gragasin, tagapagsalita ng Camalig PNP, sa kasagsagan ng operasyon nakipagpalitan ang suspek ng isang sachet ng pinaniniwalaang shabu na tumitimbang ng 100 grams o nagkakahalaga ng P300,000 na boodle money.
Nang matapos na ang transaksyon, mistulang nakatunog umano ang suspek dahilan upang bumunot ito ng dalang caliber .45 pistol at pinaputukan ang mga operatiba.
Napilitang magbalik-putok ang tropa na nagresulta sa agarang kamatayan ni Tupas.
Sa body search na isinagawa, nakuha pa mula kay Tupas ang isang plastic bag ng pinaniniwalaang shabu na nababalutan ng pulang eco bag na tumitimbang ng isang kilo o may market value na P6.8 million.
Samantala, matagal na umanong sinusubaybayan ang galaw nito.