CAUAYAN CITY – Nagkasundo ang mga mambabatas mula sa Kamara na magpaabot ng tulong sa mga biktima ng lindol sa Mindanao.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Isabela 1st District Rep. Antonio Albano, na nag-boluntaryo ang lahat ng kongresista na magbigay ng P20,000 mula sa kanilang sahod para makabuo ng P6-milyong donasyon sa mga naapektuhan ng lindol.
Isang resolusyon na rin daw ang inihain sa mababang kapulungan na humihimok kay Pangulong Rodrigo Duterte para maglabas ng calamity fund bilang dagdag na budget sa mga biktima.
Personal umanong sumulat si House Speaker Alan Peter Cayetano sa Department of Budget and Management para masilip ang savings ng Kamara ngayong buwan at malaman kung ano pa ang maaari nilang gawin para makapag-paabot ng tulong sa Mindanao.