CAGAYAN DE ORO CITY – Nakumpiska na naman ng Bureau of Customs (BoC) at Department of Agriculture (DA) ang nasa P6 milyong halaga na smuggled na mga sibuyas na umano’y nagmula naman sa bansang China na dumaong sa Mindanao Container Terminal Sub-Port ng Tagoloan, Misamis Oriental.
Sa inilabas na impormasyon ni BoC District Collector Atty Elvie Cruz, sakay ng dalawang container van ang kontrabando at ang consignee ay Humility Trading.
Ipinuslit ang naturang mga kontrabando noong linggo lamang mula China papasok ng Pilipinas.
Sinabi ng opisyal na panibagong misdisclaration of goods na naman umano ito dahil nakalagay sa mga dokumentong margarine ang karga nasa loob ng container vans.
Kaugnay nito, dahil bigo ang consignee na masagot ang akusasyon ng gobyerno ay pansamantalang naka-kustodiya sa yarda ng Misamis Oriental port ang mga nakumpiskang kontrabando.
Magugunitang simula Agosto hanggang Disyembre nitong taon, nasa mahigit P200 milyon na ang nakumpiskang mga sibuyas na lahat mula China.
Kung maalala, milyong halaga rin ng mga smuggled na sibuyas ang sinira ng BoC at DA dahil bigo ang consignees na makapag-prisinta ng kanilang ligal na mga dokumento sa Bukidnon noong nakaraang araw.