-- Advertisements --

CEBU CITY – Umabot sa mahigit P6 milyong halaga ng iligal na droga ang nasabat ng PNP sa magkahiwalay na mga buy bust operation sa lungsod ng Cebu kagabi.

Nahuli ang 40-anyos na newly-identified drug personality na si Orsolino Alfafaro sa isinagawang buybust operation sa Brgy. Duljo Fatima sa nasabing lungsod.

Nakuha mula sa subject ang kalahating kilo ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P3.4 million.

Ayon sa hepe ng Mambaling Police Station na si Capt. Renz Talosig, tatlong linggo nang isinailalim sa surveillance si Alfafaro bago isinagawa ang naturang operasyon.

Samantala, nadakip naman ang miyembro umano ng isang drug group na si Mike Celosia, 18, matapos itong nakuhanan ng P2.7 million na halaga ng shabu sa isa pang operasyon sa Brgy. Mambaling.

Ayon naman sa hepe ng Drug Enforcement Unit (DEU) Visayas na si Lt. Col. Glenn Mayam,umanoy may contact si Celosia mula sa isang preso sa Cebu City Jail kung may potential buyer ito.

Dagdag pa ni Mayam na kaya umanong mag-dispose si Celosia ng 1 kilo ng shabu linggo-linggo depende sa buyer nito.

Sunod namang nahuli ang isa pang nasa drug watchlist na si Jose Alex Roble, 20 anyos, matapos itong makuhanan ng P340,000 na halaga diumanoy shabu sa Brgy. Carreta sa Cebu City.

Umaapela naman si Lt. Col. Mayam na tuluyan nang itigil ang ilegal na drug transaction para sa ligtas at mapayapang pamumuhay.

Nakatakdang kasuhan ang mga subject ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.