BACOLOD CITY – Kinumpirma ng Office of the Provincial Agriculturist ng Negros Occidental na umaabot sa P6-milyon ang halaga ng palay na sinira ng tagtuyot dahil sa El Niño sa timog na bahagi ng lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay provincial agriculturist Atty. Japhet Masculino, iba’t ibang stages ng tanim na palay ang sinira ng matinding init sa bayan ng Cauayan.
Ang ilang mga magsasaka aniya ay nakapag-ani na ngunit mababa ang harvest dahil sa pinsala ng tag-init.
Buwan ng Enero pa lamang aniya, mababa na ang antas ng ulan sa southern Negros.
Dahil dito, kapos ang tubig sa mga irigasyon sa mga palayan ng mga magsasaka.
Aminado naman si Masculino na dumadanas din ng dry spell ang iba pang bayan sa 6th District ng lalawigan at inaasahang tataas pa ang pinsala ng El Niño.