-- Advertisements --

Posibleng maramdaman na sa mga susunod na buwan ang epekto ng pinababang taripa ng bigas.

Ito ang inihayag ni Department of Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa, kasunod na rin ng naging hakbang ng pamahalaan na babaan ang dating 35% na taripa ng bigas patungong 15%.

Ayon kay Asec De Mesa, maaaring maramdaman na ang magandang epekto ng naturang hakbang pagsapit ng buwan ng Hulyo o Agosto ng kasalukuyang taon.

Sa mga naturang buwan ay posibleng mababawasan na aniya ng mula P6 hanggang P7 ang kada kilong presyo ng bigas sa buong bansa.

Kasabay nito ay tiniyak din ng opisyal ang mahigpit na monitoring na gagawin ng ahensiya sa mga market price ng bigas.

Maalalang ilang grupo ng mga magsasaka ang tumuligsa sa naging hakbang na ito ng pamahalaan, kabilang na ang Federation of Free Farmers, Samahang Industriya at Agrikultura, atbp.

Katwiran ng mga grupo, ang naging hakbang ng pamahalaan ay posibleng lalo lamang makakapagpahirap sa mga magsasaka ng bansa habang tiyak na sasamantalahin ito ng mga foreign suppliers ng bigas upang tataasan ang kanilang presyuhan upang tumaas din ang kanilang kita.