Papalo sa P60 million ang market value ng mga undeclared na sigarilyo ang nasabat ng Bureau of Customs (BoC)-Manila International Container Port (MICP) na ipapadala sana sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA) zone sa Cavite.
Ang mga kontrabando na nakalagay sa two-by-forty-foot (2×40’) containers na mayroong 1,599 packages ng sigarilyo at may brand na Mighty ay nasabat ngayong Enero lamang.
Lumalabas na galing sa China ang shipment at nakapangalan sa YJC International Corporation.
Nakadeklara itong plastic frames, round tubes, plastic bags at plastic sheets pero nang isagawa ang physical examination, dito na tumambad ang mga kontrabando.
Agad namang nag-isyu ng warrant of seizure and detention (WSD) ang BoC laban sa shipment dahil sa paglabag sa Section 117 ng Republic Act (RA) No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) maging ang ilang guidelines na itinakda ng National Tobacco Administration (NTA) at Bureau of Internal Revenue (BIR) regulations.