-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Labis ang pasasalamat ni G. Elizardo Caminos, residente ng Brgy. Magsaysay, Kidapawan City, isang religious leader matapos siyang mapili bilang isa sa mga benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na isang programa ng Department of Social Welfare and Developmet (DSWD).

Aniya, “Dako kaayo ni nga tabang ug nagpasalamat mi kay sukad-sukad, karon pa mi naka-avail ug ing-ani na assistance gikan sa DSWD pinaagi kay Gov. Mendoza.”

Abot sa P600,000 na halaga ng ayuda ang naipamahagi ngayong araw sa 300 benepisyaryo sa pakikipagtulungan ng DSWD, pamahalaang panlalawigan ng Cotabato at mga tanggapan nina Senator Imee Marcos, Deputy Speaker Raymond Democrito C. Mendoza at Congresswoman Ma. Alana Samantha Taliño-Santos.

Kabilang sa nakatanggap ng tig P2,000 ayuda mula sa DSWD ay ang mga religious leaders, miyembro ng Junction OFW Migrant Association, mga magbobote at biktima ng bagyong Paeng na nagmula sa mga bayan ng Makilala, Kabacan, Mlang, Matalam, Antipas, President Roxas, Magpet at syudad ng Kidapawan.

Inilahad naman ni Former Board Member Rosalie H. Cabaya na mas pinaiigting ni Governor Mendoza ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang mabilis nitong maiparating at matugunan ang pangangailangan ng bawat Cotabateño.

Ang naturang aktibidad ay isinagawa sa Provincial Capitol Gymnasium, Amas, Kidapawan City na dinaluhan din ng mga kawani ng DSWD at Provincial Governor’s Office.