DAGUPAN CITY – Tinatayang nasa P600-milyon na ang naitatalang inisyal na danyos sa imprastraktura, agrikultura at mga kabahayan sa Ilocos Norte.
Kasunod na rin ito ng paglalagay sa buong lalawigan sa state of calamity dahil sa mga pagbaha na dulot ng malakas na pag-ulan ng Bagyong Ineng.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Office of the Civil Defense (OCD)-1 Director Melchito Castro, base umano sa kanilang natanggap ng report, nag-iwan umano ng matinding pinsala ang naturang bagyo sa infrastructure, agriculture at livestock.
Sa katunayan aniya, kasalukuyan pa rin silang nagsasagawa ng assessment sa mga damages upang makuha at makumpleto nila ang eksaktong datos at detalye.
Bagama’t nakaranas din ng mga pag ulan, nilinaw ni Castro na hindi masyadong naapektuhan ang lalawigan ng La Union at Ilocos Sur.
Pahayag ng opisyal, nagkaroon lamang ng flashlood sa ilang mga lugar ngunit hindi naman umano ito maituturing na malala o nakakabahala.
Sa ngayon, patuloy umanong kumukuha ang OCD ng mga updates para maibigay sa publiko ang mas akmang mga pangyayari sa bagyo.