ROXAS CITY – Tinatayang aabot sa P650,000 na halaga ng hinihinalang shabu ang na-intercept ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at mga kasapi ng Roxas City PNP.
Nakapaloob ang nasabing mga droga sa isang package na may laman na pitong kahon ng mga tsokolate.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo kay PMSgt. Ramil Arcangeles, public information officer ng Roxas City PNP, sinabi nitong nakatanggap sila ng impormasyon na may darating na package na naglalaman ng mga droga.
Kaagad na nakipag-ugnayan ang mga pulis sa PDEA, kung saan tatlong beses na umupo sa harap ng package ang sniffing dogs na nagpapatunay na may kontrabando nakapaloob dito.
Dahil dito ay binuksan ng mga pulis ang package at tumambad sa kanila ang bulto bultong shabu na nasa loob ng mga chocolate boxes.
Tinatayang nasa 15 grams ang narecover na shabu na may market value na P650,000.
Samantala kinumpirma ni Arcangeles na nasa 1st priority drug watchlist ang receiver o padadalhan sana ng nasabing package.