(Update) TACLOBAN CITY – Naniniwala ang isang alkalde sa bayan ng Biri, Northern Samar na isang malaking sindikato ang nagmamay-ari ng aabot sa P66 million na halaga ng shabu na nakita na nagpalutang-lutang sa karagatang bahagi ng Barangay Pio del Pilar, Biri, Northern Samar.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Biri Mayor Antonio delos Reyes, na posible raw na mula sa Luzon ang naturang shabu at ita-transport sana ito papuntang Visayas pero dahil na rin sa sama ng panahon ay maraming tauhan ng Coast Guard ang nakabantay kaya’t hinulog na lang siguro ito sa karagatan.
Dagdag pa nito na ilang beses na raw silang may nakikitang mga drones na lumilipad at naglilibot libot na mga yate na tila mayroon umanong hinahanap.
Posibleng hinahanap na ng mga ito ang naanod na iligal na droga.
Napag-alaman na ang isla ng Biri ay nakaharap sa munispyo ng Allen, Northern Samar kung saan maraming mga ports at gateway papasok sa Eastern Visayas mula sa Luzon.
Ang pagkakarekober ng mga otoridad sa naturang shabu ang itinuturing na pinakamalaking halaga ng droga Region 8.