Nangako si Vice Pres. Leni Robredo na hindi niya isisiwalat ang ano mang sensitibong impormasyon na malalaman kaugnay ng drug war ng administrasyon.
Ito ang tugon ni Robredo sa banta ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos mabatid ang paghingi nito sa listahan ng mga drug high value targets kamakailan.
“Iyong assurance naman, lahat na sensitive information, hindi idi-disclose.”
Kung maaalala, nagpahayag ng pagtutol si PDEA director general Aaron Aquino, na siyang chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), sa pagbibigay ng naturang listahan.
Kinuwestyon din nito ang mandato ni Robredo bilang co-chair ng ICAD.
Samantala, lusot na sa plenaryo ng Senado ang panukalang P664.8-million budget ng Office of the Vice President para sa taong 2020.
Mismong si Senate Committee on Finance chairman Sen. Sonny Angara ang nag-sponsor ng pondo sa plenaryo na agad namang inaprubahan ng mga kapwa senador.
TINGNAN: Personal na dumalo si Vice Pres. Leni Robredo sa deliberasyon ng Senate plenary sa P664.8-million budget ng OVP para sa 2020. Walang senador ang nag-interpellate, at agad naipasa ang panukalang budget. | @BomboRadyoNews (📸 OVP) pic.twitter.com/0TUG1T1gLa
— Christian Yosores (@chrisyosores) November 18, 2019
Nagpasalamat naman si Robredo dahil wala ni isang mambabatas ang nag-interpellate o kumwestyon sa budget ng kanyang tanggapan.
“Parati namang may expectation na ganoon every time na may budget hearing, pero nagpapasalamat tayo na hindi naman nahirapan iyong pag-approve ng budget.”
Inanunsyo rin ng bise presidente ang nakatakda niyang meeting sa Catholics Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa susunod na linggo, kaugnay pa rin ng kanyang trabaho bilang ICAD co-chair.
“May schedule na… I think on the 27th? Hindi ko sure iyong date, pero next week.”