Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na maglalaan ang Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC) ng nasa P666.7 million para sa mga magsasakang naapektuhan ng bagyong Kristine.
Halos nasa 86,066 na mga magsasaka sa buong Central Luzon, Bicol at MIMAROPA ang lubhang naapektuhan ng naturang bagyo.
Ayon kay Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC) President JB Jovy Bernabe, ang mga palay, high-value crops at mga palaisdaan ang mga nasira dahil sa nagdaang bagyo. Tinatayang nasa P413.6 million ang napinsala sa mga palay, P167.9 million sa mga high-value crops at P27.7 million sa mga isda.
Samantala, inutusan na rin ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang lahat ng ahensya ng Department of Agriculture (DA) na maghanda sa pagtatala ng mga pinsala at siguraduhin ang agarang tulong para dito.
Ang ahensya ay naghahanda na rin sa mga posibleng pinsala na maitala dahil naman sa Super Typhoon Leon at sa mga susunod na bagyo.