-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nakumpiska na naman ng mga tauhan ng Bureau of Customs ang panibagong ipinupuslit na mga ismagol na mga sibuyas sa Mindanao Container Terminal sa Tagoloan,Misamis Oriental nitong buwan lamang.

Ito ang kinompirma ni BoC-Cagayan de Oro spokesperson Angelo Andrade nang agsagawa sila ng spot-check inspection sa yarda kung saan nakadaong ang barko na kinargahan ng 19 na container vans na mayroong lamang na mga sibuyas.

Sinabi ni Andrade na inisyal na binuksan nila ang unang limang containers at kompirmado na kontrabando ang lamang na unang i-deneklara na ‘Chinese Steamed Bun’ para makalusot noong petsa 18 ng Nobyembre at sinundan kahapon.

Natuklasan na bigo rin ang nagsilbing consignee na EMV Consumer Goods Trading na makakuha ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearance mula sa Department of Agriculture kaya ikino-konsidera na smuggled goods ito at hindi ligtas para magamit ng publiko.

Kaugnay nito,nakatakdang lalabasan ng warrant of seizure and detention ang kontrabando habang gugulong ang karagdagang imbestigasyon.

Magugunitang sa loob lamang ng Agosto hanggang Nobyembre 2021 ay nasa P 160 milyon na halaga ng mga sibuyas ang naharang ng gobyerno na ipinapalusot ng smugglers mula ibang bansa papasok sa Pilipinas.