Huli sa isinagawang buybust operation ng Regional Police Drug Enforcement Unit-7 at Philippine Drug Enforcement Agency-7 ang isang lalaki matapos masabat ang 10 kilo ng hinihinalang shabu kagabi, Disyembre 11, sa Brgy. Kasambagan nitong lungsod ng Cebu.
Nakilala ang naaresto na si Harvey Torres, 30 anyos mula sa San Pablo, Laguna.
Nakuha mula sa posisyon nito ang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P68 million pesos na nakabalot sa Chinese tea bag at nakasilid pa sa plastic ng isang online shop.
Nauna na ring nakatanggap ng impormasyon ang mga otoridad hinggil sa iligal na gawain ng suspek kaya isinailalim ito sa case build up.
Ayon pa sa suspek, noong Linggo, Disyembre 10, lang siya dumating at ito na umano ang pangatlong beses niya na nakapunta siya sa Cebu.
Ibinunyag pa ni Torres na tatanggap siya ng suhol na 30,000 sa bawat matagumpay na pagdispose ng droga.
Sa imbestigasyon naman ng pulisya, napag-alaman na may nakabinbing kaso ng ilegal na droga ang suspek sa Laguna matapos itong arestuhin noong Hunyo 2022 ngunit nakalaya noong Nobyembre 2022 dahil sa plea bargaining.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.