-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Inihanda na ang mga ebidensya at mga dokumento para sa isasampang kaso laban sa regional top priority target na nahuli sa isinagawang anti-illegal drugs operation dakong alas-10:28 kagabi.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Butuan City Police Office chief information officer PCaptain Anne Cubio, mahaharap sa mga kasong paglabas sa Sections 11 at 12, Article 2 ng Republic Act 9165 ang isasampa laban sa suspek na si Retchie Lopez Bantilan alyas Dodong, 26-anyos, binata at residente ng Purok 9, Bingkilan, Brgy. San Vicente nitong lungsod ng Butuan, matapos makumpiska ang aabot sa 100-gramos ng suspected shabu na tinatayang nagkakahalaga ng 680-libong piso.

Ang nasabing mga ilegal na drugas na kinabibilangan ng 18 malalaki at 5 maliliit na sachets ay isinilid pa sa mga supot ng junk foods habang ang pera ay ipapadala sa pamamagitan ng GCash.

Isasa-ilalim din sa drug test ang suspek habang sa confirmatory test naman sa Philippine National Police Regional Crime Laboratory ang mga nakumpiskang illegal drugs.