CEBU CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang isang lalaking umano’y sangkot sa serye ng shooting incidents nitong lungsod ng Cebu matapos ang isinagawang buybust operation kagabi, Hulyo 19, sa Brgy. Sawang Calero kung saan nasabat ang mahigit isang kilo ng hinihinalang shabu.
Nakilala ang naaresto na si Jake Merson Mercado alyas Kano, 33 anyos at residente ng nasabing lugar.
Nakumpiska mula sa posisyon nito ang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P7.5 million pesos.
Inihayag ni Cebu City Police Office Director PCol Ireneo Dalogdog na matagal na umano nilang sinubaybayan ang suspek dahil sa ilegal na aktibidad hindi lang sa droga kundi maging ang pagiging miyembro nito ng gun-for-hire.
Sinabi pa ni Dalogdog na sangkot din umano si Mercado sa shooting incident na nangyari noong Hulyo 16 kung saan positibo din itong tinukoy ng biktima.
Inamin pa ni Dalogdog na tumaas ang insidente ng pamamaril sa lungsod sa mga nakalipas na buwan at malaki pa umano ang maitutulong ng pagkaaresto sa mga sangkot dito.
Samantala, dalawa naman umano ang kontak ng suspek sa pinagmulan ng mga drogang nakumpiska kung saan ang isa ay mula sa detainee sa Abuyog Leyte habang mayroon din umano itong isa pang kontak na preso nitong lungsod.
Sa ngayon, nagsagawa pa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya dito habang nakatakda namang sampahan ang naarestong suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.