Nasa kabuuang Php7.6-billion na halaga ang inilabas ng pamunuan ng Philippine National Police para sa mid-year bonus ng aabot sa mahigit 220,000 na kapulisan ngayong taon.
Ayon sa PNP Public Information Office, ang alokasyon ng naturang pondo ay nakabatay sa 2024 General Appropriation Act o national budget na otomatikong ini-credit sa mga bank accounts ng eligible personnel na makakatanggap nito.
Anila, ang computation ng mid-year bonus ng PNP ay katumbas ng isang buwang basic pay ng isang personnel na mayroon nang apat na buwan sa serbisyo mula noong Hulyo 1, 2023 hanggang Mayo 15, 2024.
Kaugnay nito ay nagpahayag ng pasasalamat sa national government ang PNP para sa patuloy nitong pagsuporta sa organisasyon.
Ayon kay PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil, ang mid-year bonus na ito para sa mga tauhan ng Pambansang Pulisya ay sumasalamin sa appreciation ng pamahalaan sa walang humpay na dedikasyon ng bawat pulis sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin partikular na sa pagtiyak sa kapayapaan at seguridad ng buong Pilipinas.
Kasabay nito ay muli naman na tiniyak ng hepe ng buong hanay ng kapulisan na mananatiling committed ang buong organisasyon sa pagprotekta sa mga Pilipino, at nangakong pag-iigihan pa ang kanilang pagtupad sa mandatong kanilang sinumpaan.