CENTRAL MINDANAO-Patuloy pa rin ang pamimigay ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) katuwang ang pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) payout ngayong araw para sa mga biktima ng kalamidad kung saan P7.78M kabuoang halaga ang naipamigay bilang cash assistance.
Abot sa 1,556 pamilya mula sa iba’t ibang bayan ng probinsiya ang tumanggap ng P5,000 pesos bawat isa sa nasabing aktibidad na nagsimula nitong Lunes December 26.
Sa mensahe ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza, pinaabot nito ang pasasalamat kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, Senator Grace Poe, at 3rd District Representative Maria Alana Samantha Taliño Santos sa pagbibigay ng pondo para sa mga Cotabateñong nangangailangan ng tulong.
Ang AICS payout ay para sa mga indibidwal na labis na naapektuhan ng Bagyong Paeng upang tulungan ang mga ito sa kanilang pangangailangan.
Pinangunahan ng DSWD XII Regional Director Loreto Cabaya Jr na personal na dumalo sa payout kasama ang Provincial Governor’s Office (PGO) at Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).
Naroon din sina 3rd District Board Member Jonathan Tabara at Joemar Cerebo sa naturang aktibidad na ginanap sa Provincial Gymnasium, Capitol Compound.