BACOLOD CITY – Tinatayang aabot sa halos P7 million na halaga ng pinaghihinalaang shabu ang naharang ng mga otoridad sa Sibulan Port sa Negros Oriental.
Naaresto ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Negros Oriental, local police at Philippine Coast Guard (PCG) ang mga suspek na sina Tim Bernardo Las Piñas, 25, na isang high value target (HVT); at Lesa Taganile, 23, mga residente ng Bantayan, Dumaguete.
Kasama rin sa hinuli sina Ellery Jude Alabanzas, 23, ng Canlaon City at Kathleen Caryl Tulabing, 23, ang Buloc-buloc, Sibulan.
Sa panayam kay Lt. Commander Ludovico Librilla, commander ng PCG Negros Oriental, sinabi nitong nakipag-coordinate sa kanila ang operating team upang sundan ang galaw ng mga suspek na sakay ng Ro-Ro vessel galing sa Santander, Cebu at patungo sa Sibulan.
Pagdaong ng barko sa pantalan dakong alas-2:00 kahapon ng hapon kaagad na inusisa ang dalang pribadong sasakyan na dala ng apat at dito narekober ang halos isang kilong suspected shabu na nagkakahalaga ng P6.8 million.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ni PDEA Negros Oriental ang apat na nahuling suspek.