CAGAYAN DE ORO CITY – Sisimulan nina Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno at Gingoog City Mayor Eric Canosa ng Misamis Oriental ang pamimigay ng cash component financial aid na nai-download ng DSWD-10 mula sa tanggapan ni Presidente Rodrigo Duterte para sa ‘most deserving’ na mga pamilya na apektado ng deklarasyong Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa nabanggit na bahagi ng Northern Mindanao.
Ito ay matapos nasa city bank accounts na ng dalawang lungsod ang pera para sa ECQ Special Ayuda kontra epekto ng pandemya partikular ang COVID-19 delta variant cases.
Inihayag ni Moreno na batay sa pirmadong joint memorandum circular no.2 series of 2021 ng DSWD,DILG at DND ay nasa mahigit P700-M pondo ang ibinigay ng national government upang tulungan ang higit 100,000 pamilya o households na direktang tinamaan ng ECQ.
Sinabi ni Moreno na batay sa nakasaad sa JMC # 2 ay nasa isang libong piso kada-indibidwal o hindi lalagpas ng P4,000 ang ibibigay sa isang household para mga apektadong residente.
Magugunitang nakapagbigay na rin ng food packs ang DSWD-10 sa pamamagitan ng dalawang local government units simula nang naumpisan na ma-ECQ ang Cagayan de Oro at Gingoog City noong kalagitnaan ng Hulyo hanggang Agosto nitong taon.
Una nang umaray ang marami sa mga pamilya dahil apektado ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay na pinatindi ng matagal na pamimigay ng ayuda mula sa nabanggit na LGUs.