Aprubado na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglalabas ng P700 million na pondo para sa pagtatayo ng child development centers sa mga low-income municipality.
Hiniling kasi ng early childhood development proponents kay Pangulong Marcos na maglaan ng pondo sa loob ng susunod na tatlong taon para mabigyan ng access ang mga mahihirap na barangay sa early childhood education.
Sa sectoral meeting sa Malacañang kasama ang EDCOM 2 at iba pang ahensya, iminungkahi ng Pangulo na gawing CDC ang mga daycare centers dahil pareho lamang ang pagsasanay sa mga guro at naroon na rin ang mga bata.
Inaatasan din ang mga kaukulang ahensya na paramihin ang graduates sa kursong may kaugnayan sa early childhood education, lalo na sa mga rehiyong may kakulangan early childhood teachers.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, malaki ang maitutulong ng early childhood development initiatives sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon sa bansa.
Dahil dito Mababawasan rin ang dropout rate, at tataas naman ang completion rate at literacy ng mga batang mag-aaral.
Batay sa ulat ng EDCOM, may 5,800 barangay pa sa bansa ang wala pang CDCs, at 229 sa mga barangay na ito ang kabilang sa mga mahihirap na LGUs.
Tiniyak naman ng Department of Budget and Management ang pagpapalabas ng pondo para sa mga itatayong CDCs ngayong taon na idadaan sa Local Government Support Fund.