Naipamahagi na ang nasa P703 million halaga ng fuel subsidies sa mga benepisyaryo ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay LTFRB Executive Director Tina Cassion, nasa kabuuang 108,164 na benepisyaryo ang nakatanggap ng tig-P6,500 kada unit mula sa Pantawid Pasada Program.
Sa ilalim ng naturang programa, ang mga drivers ng public utility vehicles ay mabibigyan ng financial aid bilang tulong sa gitna ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo na naranasan sa loob ng 11 linggo.
Patuloy naman ang pagproseso ng LTFRB sa fuel subsidy sa iba pang mga benipisyo at nakikipag-ugnayan sa Land Bank of the Philippines upang mapabilis ang implementasyon ng programa.
Pinaalalahanan din ng ahensiya ang mga operators at drivers na maaari lamang gamitin para sa pagbili ng kanilang kailangang krudo ang matatanggap nilang fuel subsidy at hindi ito pwedeng i-withdraw.
Matatandaan na nasa P2.5 billion ang inilaan ng pamahalaan para sa fuel vouchers ng nasa mahigit 300,000 kwalipikadong PUV drivers sa buong bansa.