-- Advertisements --
image 486

Aabot sa P70 million hangagng P75 million ang kinakailangang pondo para sa pagsasagawa ng special elecion para mapunan ang bakanteng posisyon ng napatalsik na si dating Negros Oriental 3rd district Rep. Arnolfo Teves Jr.

Ayon kay Comelec chairman George Erwin Garcia, magmumula ang pondo sa existing budget ng komisyon dahil wala umanong special o supplemental appropriation para sa naturang special election.

Hanggang sa kasalukuyan aniya ay humahanap na ang poll body ng kaukulang pondo upang matustusan ang planong special election.

Inihayag din ni Garcia na para maisagawa ang special election, kailangang maghain ng certificates of candidacy sa huling linggo ng Setyembre.

Ang manual election aniya ay nakatakdang isagawa sa Disyembre 8 at maaring maiproklama ng Comelec ang panalo sa Disyembre 10.

Matatandaan na nito lamang Martes nang umapela ang House of Representatives sa poll body para magsagawa ng special election para mapunan ang bakanteng posisyon ni Teves.

Una na ngang pinatalsik ng Mababang kapulungan ng Kongreso si Teves noong nakalipas na linggo kung saan nasa 265 mambabatas ang pumabor dahil sa pagtatangka nitong humingi ng political asylum sa Timor Leste, patuloy na pagliban sa trabaho at umano’y hindi kanais-nais na pag-uugali na ipinakita ng mambabatas sa online platform nito.