CENTRAL MINDANAO – Unti-unti ng nagkakahugis ang ipinangakong TESDA Provincial Training Center ni Pangulong Rodrigo Duterte ng bumisita ito sa bayan ng Pigcawayan, Cotabato noong Enero 10, 2020.
Bago lang ay pormal nang isinagawa ang groundbreaking ceremony sa 10,000 sq.m land area sa Brgy Poblacion 3 na idinonate ng Pigcawayan LGU at pagtatayuan ng 3-storey building na may world-class advance equipment at dormitory.
Ayon kay DPWH Architec James Nulla na ang gusali ay mayroong 2,286.38 total floor area at pinondohan ng P71.4 million.
Sinabi ni TESDA Director General Isidro Lapeña na siyang naging panauhing pandangal sa naturang okasyon na marching order sa kanya ni Pangulong Duterte na bilisan ang naturang proyekto upang agad na mapakinabangan ng mga tagaprobinsya at unti-unting maging komportable ang buhay lalo’t higit ng mga kapos ang kakayahan na makapag-aral sa kolehiyo.
Labis namang ikinatuwa ni Pigcawayan Mayor Jean Dino Roquero ang reyalisasyon ng proyekto na dati aniya ay pangarap lamang niya para sa kanyang bayan.
Sa mensahe ni Cotabato Governor Nancy Catamco na ipinaabot ni Provincial Administrator Efren Piñol, sinabi nito na ang pagtatatayo ng training center ay nangangahulugan ng kaunlaran hindi lamang sa bayan ng Pigcawayan kundi sa buong probinsya.
Idinagdag naman ni TESDA Provincial Director Norayah Acas na maliban sa training center na ito ay magtatayo pa ng isa sa Kidapawan City.
Sumaksi rin sa naturang okasyon si TESDA Deputy Director General Lina Sarmiento, 1st District Cong. Joel Sacdalan, DPWH 1st District Engineer Elesio Otoc, TESDA-12 Regional Director Rafael Abrogar, Vice Mayor Juanito Agustin, municipal councilors at mga barangay officials.