Malaking bagay para sa operasyon ng Philippine Navy ang natanggap nilang kauna-unahang advanced fixed-wing unmanned aerial system (UAS) o spy plane mula sa Estados Unidos.
Personal na tinanggap kanina ni Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Giovanni Carlo Bacordo ang ScanEagle UAS sa isinagawang seremonya kaninang umaga sa Naval Base Heracleo Alano na dinaluhan ng ilang matataas na opisyal ng Department of National Defense at ng US Embassy.
Si Acting Deputy Chief of Mission Kimberly Kelly at ilang repsentatives mula sa U.S. Embassy ang nag turned over sa ScanEagle UAS sa Philippine Navy.
Ang nasabing ScanEagle UAS ay mapapasailalim sa bagong activated squadron ng Philippine Fleet’s Naval Air Wing, partikular sa Maritime Unmanned Aerial Reconnaissance Squadron (MUARS-71).
Ayon kay Kelly ang pag-turn over ng UAS sa Philippine Navy ay indikasyon sa commitment ng Amerika sa Pilipinas bilang kanilang partners at kaalyadong bansa.
Ngayong napasakay na ng Philippine Navy ang UAS, mas mapalakas pa nito ang kanilang maritime domain awareness at border security capabilities.
Sa panig naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, sinabi nito na ang nasabing bagong asset ay makakatulong sa asset ng AFP na inooperate ngayon ng 300th Air Intelligence and Security Wing na naka base sa Antonio Bautista Air Base sa Palawan, malapit ito sa tinaguriang disputed areas sa West Philippine Sea na kinakailangan ng consistent attention.
Ang modernong ScanEagle UAS ay binubuo ng walong air vehicles, dalawang launchers, skyhook at ground control station.
Na-acquire ito sa pamamagitan ng Maritime Security Initiative Program ng United States na hiniling ng Philippine Navy nuong 2017 at naformalized lamang nitong February 2019, matapos ang serye ng mga pag-uusap ng Philippines’ Joint U.S. Military Assistance Group (JUSMAG-Phil).
Ang nasabing UAS ay nagkakahalaga ng $14.79 million US dollars o nasa Php 710 million.
Ang ScanEagle UAS ay produkto ng Insitu Inc., subsidiary ng Boeing company.
Ang ScanEagle UAS ay isang maliit, long-endurance unmanned aerial vehicle na ginagamit para sa Intelligence, Surveillance and Reconnaissance (ISR) ng Philippine Navy, may real time coverage at maaaring ilipad ito sa pamamagitan ng barko o sa kalupaan.
Ayon naman kay Phil. Navy Chief Vice ADM Giovanni bacordo magsisilbing eye in the sky ng Philippine Navy ang nasabing UAS.
Aniya, kung ano man ang ginagawa nila ngayon sa operasyon lalo pa itong mapalawak dahil sa bagong spy plane.
Bukod sa kanilang misyon, magagamit din ang nasabing UAV sa panahon ng kalamidad kahalintulad sa nangyaring paghagupit ng Bagyong Ulysses.