CENTRAL MINDANAO – Matatapos na ang mga proyektong nagkakahalaga ng P727 milyon na inilaan ng Department of Agrarian Reform – Mindanao Sustainable Agrarian and Agriculture Development (DAR-MinSAAD) para sa lalawigan ng North Cotabato bago matapos ang taon.
Ito ang iniulat ni DAR project manager Eduardo Suaybaguio kay Gov. Nancy Catamco nang bumisita ito sa kanyang tanggapan.
Kabilang sa proyektong ito ay Farm to market roads, bridges, irrigation, post-harvest facilities, water systems. Kasali rin dito ang pamimigay ng fruit trees seedlings.
Sa pamamagitan ng programang Agriculture, Agribusiness and Agroforestry Development (AAAD) at mga infrastructure project, layon nitong maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga masasaka at pagsulong ng kapayapaan.
Labis naman ang pasasalamat ng gobernador sa pakikipagtulungan ng ahensiya para maihatid sa mga tao ang kanilang mga hinaing sa gobyerno para sa kanilang kabuhayan, at ito ay isang paraan sa pagkamit ng kapayapaan.
Kasama sa pag-uusap sina Provincial Agrarian Reform Office head Reynaldo Anfone, Provincial Food Security head Efren Piñol, OIC-PPDO Carl Gaspar, at Mayor Jesus ”Susing” Sacdalan.