Inihihirit ng grupo ng mga manggagawa sa pamahalaan na gumawa ng aksiyon para maipasa ang panukalang batas na magtataas sa arawang sahod sa buong bansa sa P750.
Binigyan diin ng labor groups na pinangunahan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na dapat itaas ang minimum wage kasabay na rin ng pagsipa ng presyo ng mga bilihin.
Ayon kay BMP President Attorney Luke Espiritu, naghihirap pa rin ang mga manggagawa kayat ang hinihiling nila ay cost of living o sweldong makabubuhay at hindi cost of dying o sweldong nakamamatay.
Bagamat tinaasan aniya ng P40 ang arawang minimum wage para sa pribadong sektor sa National Capital Region noong Hunyo, sinabi ni Espiritu na wala itong malaking naging epekto dahil patuloy pa rin na tumataas ang presyo ng mga bilihin.
Kulang pa rin aniya ito para matugunan ang pangangailangan ng mga manggagawa na siyang backbone ng ekonomiya ng bansa.
Hinikayat din ng labor groups ang pamahalaan na ibasura ang Wage Rationalization Act na nagmamandato sa Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBS) na ayusin ang minimum wage rates sa kani-kanilang rehiyon dahil ito ay palpak umano at nagresulta lamang sa paghihirap ng mga manggagawa at wage irrationality dahil wala umanong logic ang hindi parehong pasahod sa iba’t ibang rehiyon.