-- Advertisements --

Isiniwalat ni Senate President Vicente Sotto III na posible umanong nag-realign ang Kamara ng P79-bilyon sa 2019 national budget.

Partikular na binanggit ni Sotto ang ulat mula sa Senate Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO).

Ayon kay Sotto, mayroon umanong isiningit na P79-bilyon sa pambansang pondo na hindi kasama sa mga natalakay noon sa bicam.

Kaya giit ni Sotto, pupuwede umanong makasuhan ang mga mambabatas na nag-apruba sa pondo na may unconstitutional realignments.

Paliwanag ni Sotto, ang realignments ay labag sa Saligang Batas at hindi raw nito nais na maharap sa reklamo dahil sa pagsertipika nito sa General Appropriations Act (GAA) na may mali.

“Kasi it’s a violation of the Constitution,” wika ni Sotto. “Hindi ko naman siguro gusto na after 2022, may kaso ako, or baka next year, baka may kaso na bakit ko sinertify ‘yung alam kong hindi naman tama ‘yung laman ‘nung GAA.”

Una nang sinabi ni House Appropriations Committee Chairperson Rolando Andaya Jr. na hindi raw minanipula ng Kamara ang niratipikahang pondo at kanila lamang daw itong ina-itemize.

Nitong Pebrero 8 nang ratipikahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang halos P3.8-trilyong budget para ngayong taon.

Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa ito naisusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte upang tuluyan nang malagdaan.