Naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P8.5-bilyon para sa funding requirement ng intervention program ng Department of Agriculture (DA) para tiyakin ang sapat na suplay ng pagkain sa gitna ng coronavirus crisis.
Sa isang pahayag, sinabi ng DBM na ibinigay na nila sa DA ang nasabing pondo noong Abril 16.
Saklaw sa nasabing halaga ang funding requirements para sa Rice Resiliency Project (RRP) ng DA sa ilalim ng kanilang “Ahon Lahat, Pagkaing Sapat (ALPAS) Kontra COVID-19” program.
Ayon sa DA, layunin ng RRP na masiguro ang availability ng suplay ng bigas sa pamamagitan ng pagpapalakas pa sa local rice production sa panahon ng tag-ulan.
Inaasahan ding makikinabang sa programa ang nasa 3-milyong mga magsasaka sa buong bansa.
Ang nasabing programa ay ipapatupad sa ilalim ng tatlong sub-projects na Enhanced Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF); Expanded Inbred Rice Production (Beyond RCEF Areas); at Expanded Hybrid Rice Production in Suitable Areas.