-- Advertisements --

Nailabas na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang nasa P8.35 million sa iba’t ibang establisiyemento sa Central Luzon, na siyang unang batch na makakatanggap ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) 3.

Sa ilalim ng CAMP 3, ang mga private-sector workers sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3 ay makakatanggap ng one-time financial assistance na P5,000.

Sakop sa naturang programa ang nasa mahigit 700 establisiyemento na mayroong nasa 15,000 na mga manggagawa.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, malaki ang naging epekto ng restrictions sa mobility ng publiko pagdating sa pagnenegosyo at employment ng napakaraming tao.

Umaasa ang kagawaran na ang financial support na ibibigay nila ay makakatulong para mapagaan ang pasanin ng mga apektadong manggagawa ng dahil sa COVID-19 pandemic.

Mababatid na simula noong Enero 4, nasa ilalim ng Alert Level 3 ang Bulacan, habang ang Pampanga, Bataan at Zambales ay inilagay naman sa kaparehong alert level noong Enero 9.

Kaparehong alert level status ang ipinatupad sa Nueva Ecija noong Enero 14, at sa probinsya naman ng Aurora noong Enero 16.

Lahat ng mga probinsyang ito ay inilagay na sa Alert Level 1, maliban na lamang sa Nueva Ecija at Zambales.