Nagsampa ng multiple-tax evasion case ang Bureau of Internal Revenue sa Department of Justice laban sa mga iligal na nagbebenta o negosyo ng vape sa bansa.
Kung saan inihain ngayong araw ng naturang kawanihan ang kasong kriminal partikular sa mga kumpanyang sangkot at hindi umano nagbabayad ng kaukulang buwis.
Kakaharapin ng mga negosyong ito ang tumataginting na higit kumulang 8.7 bilyong Piso na ‘multiple tax evasion case’ matapos ang isinumiteng kaso ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ).
Ayon mismo kay Commissioner Romeo D. Lumagui, Jr. ng naturang kawanihan, hindi umano tumupad ang mga kumpanyang ito dahil sa bigong magbayad ng excise tax na kinakailangan upang maging ligal ang operasyo ng mga vape business.
“Nagsampa tayo ng kaso laban sa mga malalaking importers at distributors ng vape products ito nga yung naimbestigahan na rin ng kongreso. Yung Flava, Flare at Denkat, ang halaga ng vape products at excise tax na hindi nabayaran dito ay humigit kumulang 8.7 billion Pesos,” ani Commissioner Romeo D. Lumagui, Jr. ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Kaya naman mariin pang iginiit ni Commissioner Romeo D. Lumagui, Jr. ng BIR na ang mga pumasok na produktong vape ay wala umanong dokumentong ligal at kumpirmadong walang binayaran na excise tax.
Sinasabi ring mga importer ang mga ito kaya’t nang madiskubreng hindi ito nagbayad ng mga kaukulang halaga ng buwis ay napagpasyahang sampahan na nila ito ng kaso.
Dagdag pa ng naturang Commissioner, sa kanilang pag-raid at pagkumpiska ng mga produktong vape ay nakita at natuklasan pang walang nakadikit na mga ‘tamaraw stamps’ na siyang indicator na ligal ang isang produktong electronic cigarette.