KALIBO, Aklan – Welcome development sa mga negosyante sa isla ng Boracay ang inilaang P8-milyong pondo ng Department of Tourism (DoT) para sa swab test ng mga empleyado sa isla.
Ayon sa Boracay Foundation Incorporated (BFI), grupo ng mga negosyante sa isla na malaking tulong ito upang mabawasan ang gastusin ng mga manggagawa at mga employers lalo pa at nagkakahalaga ng P4,000 ang swab test sa Western Visayas.
Inaasahan rin na makadagdag ito sa kumpiyansa ng mga turistang bibisita sa Boracay sa susunod na mga buwan.
Isinisisi ng mga negosyante ang mababang bilang ng tourist arrival sa mahigpit na health requirements, kasama ang negatibong RT-PCR test results, 48 oras bago ang biyahe papuntang Boracay.
Umaasa rin ang mga negosyante na mapalitan ng antigen tests ang RT-PCR test na sanhi ng pagkansela ng ilang mga turista sa naka-schedule na sanang bakasyon.
Prayoridad sa libreng swab tests ang mga crew ng pampasaherong motorbanca gayundin ang mga frontline workers at empleyado ng mga hotels, resorts at restaurants.