KORONADAL CITY- Nagresulta sa pagkakarekober ng libu-libong Marijuana plants ang ikinasang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng PNP, PDEA 12 at AFP sa tri-boundaries ng Tampakan, South Cotabato, Kiblawan, Davao del Sur at Columbio, Sultan Kudarat.
Ayon kay PDEA 12 Regional Director Naravy Duquiatan, na sa nasabing operasyon target ng Tampakan PNP, Kiblawan PNP, Columbio PNP, PDEA 12, 27th IB at 39th IB ang mga sinasabing Marijuana growers na sina Gugwelen Macandon at Terso Macondon.
Sa nasabing high impact operation narekober ang mahigit kumulang sa 27,000 na fully grown marijuana hills na may halagang mahigit P5 million ngunit sa operasyon nakatakas ang mga suspek na Macondon.
Sa hiwalay din na operasyon sa Sitio Alyong, Brgy. Danlag, Tampakan, South Cotabato at Brgy. Datalblal, Columbio Sultan Kudarat, nakumpiska ang nasa 11,500 fully grown marijuana hills na may halagang mahigit kumulang P2 million ngunit hindi naman natukoy ang cultivator nito.
Agad namang binunot ang mga Marijuana plants at sinira ng mga otoridad.
Kasong paglabag sa section 16 o Cultivation of Dangerous Drugs ng Article 2 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampang kaso sa mga natukoy na mga suspek.