-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Pinag-aaralan pa ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ang panukalang pagsingil ng P8 sa kada kilo ng hahakuting basura sa isla ng Boracay at buong bayan ng Malay.

Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista na layunin nito na mabawasan ang mga basurang hinahakot araw-araw mula sa mga resorts, hotels, restaurants, at iba pang establisimento komersiyal at kabahayan, kung saan, halos mapuno na ang kanilang sanitary landfill.

Problemado rin aniya sila sa kanilang bayarin sa pribadong kompaniyang naghahakot ng basura lalo na sa isla.

Ang naturang panukala ay pinalagan ng mga residente at grupo ng mga negosyante sa Boracay.

Sa position letter ng Boracay Foundation Incorporated (BFI) at Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI)-Boracay na kaisa sila ng gobyerno sa pagligtas sa kalikasan pero masyado umanong mabigat ang P8 singil sa kada kilo ng basurang hahakutin.

Sinabi naman ni Yapak Barangay Captain Hector Casidsid na hindi ito napapanahon sa harap ng epekto sa turismo ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.