CEBU CITY – Nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-7 ang kilo-kilong shabu na nagkakahalaga ng higit sa P81-milyon nitong Sabado ng gabi sa bahagi ng Pier 3, lungsod ng Cebu.
Ayon kay PDEA-7 Director Levi Ortiz, nakasilid sa loob ng sound box ang mga malalaking pakete ng droga na pinadala umano ng isang courier express mula sa Maynila.
Natunton ng isang K9 unit ang nasabing kargamento kaya isinailalim agad ang mga ito sa X-ray machine sa pier at nakita na may hinihinalang substance sa loob.
Nang binuksan ng mga otoridad ang LED spotlight na nasa loob ng sound box, tumambad ang mga malalaking bulto ng shabu na nasa isang kilo ang bigat ng bawat isa.
Hindi bababa sa 12 kilos ang bigat ng nasabat na shabu at nagkakahalaga ang mga ito ng P81.6-million.
Dagdag pa ni Ortiz na may “lead” umano sila kung kaninong drug syndicate nanggaling ang mga bulto-bultong shabu na nakasilid sa nasabing kargamento.
Nakikipag-ugnayan ngayon ang PDEA-7 sa express courier na naghatid umano ng sound box upang isagawa ang isang follow-up operation.