Tinatayang P86 million na halaga ng asukal na idineklara bilang footwear rubber na ginamit sa paggawa ng sapatos at flip-flops ang nasabat sa Subic Bay Freeport Zone.
Nasamsam ng mga operatiba ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) ang mahigit 800,000 kilo ng refined sugar.
Ayon kay BOC Assistant Commissioner, Atty. Vincent Maronilla, nakuha nila ang kabuuang bilang na 15,648 bags ng asukal na nagmula umano sa Hong Kong.
Ang kargamento ay dinala ng isang kumpanyang nahuli na umano sa pagpupuslit ng asukal, sibuyas, at iba pang produktong agrikultural sa pamamagitan ng Manila International Container Port.
Kaugnay niyan, ito na ang ikatlong shipment ng umano’y smuggled na asukal na naharang sa daungan ng Subic ngayong buwan.
Sa kasalukuyan, sinuspinde na ang mga permit ng nasabing kumpanya ayon sa BOC.