Inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang karagdagang P875 million na pondo para sa response at relief efforts ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa panahon ng kalamidad.
Ito ay bilang tugon sa request ng DSWD para sa replenishment ng kanilang quick response fund sa gitna ng sunud-sunod na kalamidad na tumatama sa bansa at bilang pagtalima na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siguruhing may nakaantabay na pondo para sa anumang sakuna, ayon kay DBM Sec. Amenah Pangandaman.
Nakalaan aniya ang dagdag na pondo para sa pagbili ng iba’t ibang Family Food Packs (FFPs) at Non-Food items para sa stockpiling ng relief supplies sa mga warehouse ng DSWD at pagpapatupad ng Cash for Work para sa mga apektadong pamilya sa Region 1 dahil sa pananalasa ng nagdaang Super typhoon Julian na dalawang beses na pumasok sa bansa.
Ang naturang halaga ay kinuha mula sa pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa ilalim ng 2024 General Appopriations Act (GAA).