-- Advertisements --
alan peter cayetano
Alan Cayetano

Nakapili na ang Kamara ng mga institutional amendments na isasama sa bersyon ng General Appropriations Bill (GAB) na ipapadala sa Senado sa Oktubre 1.

Sa isang pulong balitaan sa Kamara, inisa-isa ni Speaker Alan Peter Cayetano ang P9.2 billion na kabuuang realignments na kanilang ginawa sa budget bill.

Pinakamalaking dagdag ang Department of Agriculture sa halagang P3.5 billion, na siyang gagamitin sa pambili ng National Food Authority (NFA) ng palay ng mga magsasaka.

Tig-P1 billion naman ang dagdag na alokasyon para sa DILG-PNP at DND-AFP para sa pagsasa-ayos ng kanilang mga kampo.

Ang Department of Education ay makakatanggap ng P800 million, habang P500 million naman ang itataas ng alokasyon para sa DENR.

Papalo rin sa P500 million ang increase sa pondo ng MMDA at Philippine Sports Commission para sa susunod na taon.

Samantala, dadagdagan ng P250 million ang pondo ng Dangerous Drugs Board, at tig-P200 million naman para sa Department of Health at UP-PGH.

Ang P9.2-billion realignment na ito ay kukunin mula sa Department of Public Works and Highways (P3.75-B) at Commission on Elections (P5.77-B).