Kinumpirma ng Department of Budget and Management (DBM) na nabawasan ng P9.9 bilyon ang pondo para sa DepEd Computerization Program base sa bersyon ng General Appropriations Bill na lumusot sa Kongreso.
Nilinaw ni DBM Undersecretary Goddes Hope Libiran na wala nang kapangyarihan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibalik o i-realign ang mga pondong nabawasan matapos maratipikahan ng Kongreso ang proposed budget.
Aniya, ang kapangyarihang magdagdag o magbawas ng badyet, hangga’t ito’y nasa loob ng ceiling, ay nasa sa Kongreso pa rin alinsunod sa Konstitusyon.
Bagama’t nabawasan ang pondo sa ilalim ng 2025 national budget, ipinunto naman ni Libiran na batay sa datos ay nasa 85.14% o ₱7.5 bilyon pa lamang ng ₱8.9 bilyong pondo para sa programang ito ang nagamit ng ahensya.
Ibig sabihin, nasa 15.54% lamang ang na-disburse ng DepEd mula sa nasabing halaga, na nangangahulugang mayroon pang ₱1.3 bilyon na hindi pa nagagamit na pondo.
Kaya naman, bilang solusyon, iminungkahi ng DBM na gamitin muna ang mga undisbursed funds upang suportahan ang programa.
Kapag kinapos, may nakalaan naman aniyang pondo sa 2025 Unprogrammed Appropriation o kaya’y maaaring magamit ang Contingent Fund, basta’t maipapakita na urgent o kinakailangan talagang gawin ang proyekto.