-- Advertisements --

Itinurn-over na sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasabat na mahigit 5,000 tableta ng pinaghihinalaang “ecstasy” sa lungsod ng Pasay.

Una rito, nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of NAIA ang naturang iligal na droga sa isinagawa nilang operasyon sa loob ng bodega ng kompanyang DHL.

Sa ulat ng BOC, ang 5,205 mga tableta na tinatayang nagkakahalaga ng P9-milyon ay natagpuan na nakatago sa loob ng paper shredder na ipinadala sa bansa mula sa United Kingdom at nakatakda sanang maipadala sa Pasig City.

Natuklasan ang mga nasabing iligal na droga ng mga tauhan ng Customs NAIA na nakatalaga sa bodega ng naturang kompanya makaraang magsagawa sila ng document check at physical examination sa nasabing kargamento dahil sa mga detalye nito na hindi magkakatugma.

Nasa kamay na ng PDEA ang nasabing mga ipinagbabawal na gamot para sa isasagawang imbestigasyon upang mapanagot ang consignee at iba pang sangkot sa paglabag sa Dangerous Drugs Act.