BAGUIO CITY – Patuloy pa rin ang pagtutuk ng mga drug enforcement operatives sa pagpuksa sa suplay ng iligal na droga, partikular ng marijuana dito sa rehion Cordillera.
Dahil dito, aabot sa P90-M na halaga ng mga marijuana ang sinira ng mga ito sa mga barangay ng Loccong at Butbut Proper sa bayan ng Tinglayan, lalawigan ng Kalinga nitong January 19, 2022.
Resulta ito ng isinagawang marijuana eradication operation na tinawag na COPLAN STORM BREAKER kung saan nadiskobre ang mga iligal na pananim sa anim na plantation sites.
Tinatayang 280-K na mga tangkay ng fully grown marijuana plants ang binunot at sinunog ng mga operatiba sa apat na plantation sites sa Barangay Loccong maliban pa sa higit kumulang 150 na kilo ng pinatuyong mga dahon ng marijuana.
Tinataya ding 80-K na mga tangkay ng fully grown marijuana plants ang binunot at sinira ng mga operatiba sa dalawang plantation sites sa Butbut Proper.
Gayunman, walang nahuling cultivator sa kasagsagan ng operasyon.
Ayon sa mga operatiba, inaasahan pa ang patuloy na marijuana eradications ng ibat-ibang drug enforcement agencies sa kabila ng kasalukuyang pandemya na sinamantala ng mga marijuana cultivators.